Pagbitaw

“Sardinas ka ba para ipagsiksikan ang sarili mo sa kanya?”
“Bakit ka ba nagpapakatanga sa kanya?”
“Hanggang kailan ka ba magtitiis sa ginagawa niya?”
“Kailan ka ba matatauhang babae ka?”

Mga tanong na halos araw-araw mong maririnig,
Kapag humingi ka ng payo sa mga kaibigan mong
Galit na galit sa lalaking gusto mo, at gustung-gusto ng puso mo.

Pagbitaw.
Isa sa mga salitang madaling sabihin,
Pero alam kong mahirap gawin.
Hindi ko alam kung bakit nandito pa din ako,
Handang magpaka-tanga sa’yo.
Na tila parang ako yung aso at ikaw yung amo.
Amo na siyang may hawak ng tali,
Na kapag napagod ka na.
Bigla mo na lang bibitawan,
At saka magpapahingang mag-isa.

Alam kong hindi ako perpekto.
Pero pinilit ko namang maging okay,
Para sa’yo, at para sa kung anong meron tayo.
Kahit hindi ako ito.

Pero bakit tila hindi mo mapansin ang halaga ko?
Na tila parang ang dali sa’yo na bitawan ang tayo.
Na para bang hindi ako naging parte ng mundo mo.

Siguro nga mali ang ginawa ko.
Na ang umiyak sa harap mo,
Na tila para akong gago.
Namamalimos sa atensyon mo,
Na para bang hinihingi ko ang awa mo.

At eto naman akong si tanga,
Na kapag bumalik ka.
Handang akapin ka ng buong-buo.
Kahit walang kasiguraduhang ako’y sasaluhin mo.

Alam ko sa sarili ko na katangahan ang ginagawa ko.
Pero bakit ganon?
Kahit anong gawin ko, na sa’yo pa din ang atensyon ko.
Na kahit anong iwas ko sa’yo, ikaw pa din ang napapansin ko.
Na kahit nasasaktan na ako, ikaw pa din ang gusto ko.

Hindi ko maiwasang hindi magcha-chat sa’yo sa t’wing ikaw ay may tampo.
Na ako ‘tong si marupok, habol ng habol sa’yo.
Na kahit ikaw na ang layo ng layo.

Bakit ba ang tanga ko?
Bakit ba marupok ako pagdating sa’yo?
Siguro hindi pa ako gising sa ideyang wala na tayo.
Kundi ikaw na lang at ako.

Sapat na siguro yung naglaan ka ng panahon sa kung anong meron tayo noon.
At hindi na tama para ipagpatuloy pa hanggang ngayon.
Sapat na ang nakita at iniyak ng mga mata ko.
At ang mga nararamdaman ng puso ko para bitawan ka.
Para bitawan ang tayo.

Siguro eto na yung oras para palayain ka,
Kahit mahirap.
Kahit masakit.

Eto na yung oras para sarili ko naman ang palayain ko.
Alam kong hindi madaling makalimot sa taong naging parte ng pagkatao ko.
Pero para sa ikasasaya ng pusong nasaktan,
Binibitawan na kita.
Binibitawan ko na ang dating tayo.
At sisimulan ko ng bumangon ng wala ka sa piling ko.

Sa panahon at oras na ito,
Alam kong magiging okay din tayo.
At magiging okay din ako. 🙂

by Zildjian Austin Beniten

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started