Kudita: Ang Ginahasa

Malamig ang panahon ngayong gabi’t wala akong ibang nadidinig kung ‘di ang mga kulilig. Natatakot ako. Baliktanaw, labing-isang taon mulat ngayo’y ganito din ang gabi, balatkayo ang pagiging payapa.

Enero, taong dalawang libo’t siyam, araw ng Sabado. Isang araw na nakadesenyo para sa pagsasaya ng mga Pilipino. Katulad ng madalas na tagpo sa aming tahana’y lasing na namang umuwi ang aking ama na inaalalayan ng aking tiyo Ernesto. Siya’y isang ahente sa bayan, matipino’t hindi makabasag pinggan kung titignan ngunit nakakapagtakang sa edad nitong tatlumpu’t-dalawa’y wala man lamang siyang asawa o kasintahan. May kalaliman na din ang gabi noong lumapag sila sa aming pinto kung kaya’t inalok na ng aking ama ang aking tiyo na sa amin na lang magpalipas ng magdamag, sambit pa niya’y mayroon silang sabong kinabukasan, pagkalipas ng ilang palitan ng mga salita’t kulitan ay pumayag din naman ito. Madalas akong magising noon ng madaling araw dahil sa mga alulong ng mga aso ngunit hindi sa gabing iyon dahil tila nasulyapan ko ang demonyo. Kaya naman pala ganoon na lamang katalas ang titig sa’kin ng aking tiyo Ernesto noong gabing iyon, ‘yon pala ang titig ng pagnanasa, isang patunay na maging ang mga tupa’y may ngipin din. Nagising ako dahil sa mga kamay na humihimas sa aking katawa’t mga bulong na noo’y ‘di ko pa nauunawaan. Ilang sandali pa’y naging agresibo ito’t hinubad ang aking saplot pang-ibaba, mahigpit ang pagkakakapit sa aking mga braso’t malagkit naman ang titig sa’king bubot na katawan. Tila umurong at pumilipit ang aking dila nang sambitin niyang “Tumahimik ka’t ‘wag kang magsusumbong kung ‘di ay papatayin ko ang ‘yong itay.” Tanging ang Diyos na lamang ang makakapagligtas sa’kin ngunit noong gabing iyon ay tila natutulog siya’t ‘di ako nadidinig. Ang sumunod na tagpo’y ang tuluyang sumira ng aking buhay, binusalan niya ang aking bibig ng kanyang mga kamay at tuluyang tinanggal ang aking puri. Noong gabing iyon ay ang bawat kumpas ng orasa’y tila parusa sa akin, ito pala ang mundo ng mga kalalakihan, ilusyon ang paggalang at papuri kapag nagtawag na ang laman. Noon di’y iniwan niya ang aking katawan na madungis at may pakunsuwelo pang banta sa aking buhay. Hindi ko na matandaan kung ilang ulit ko pang naranasan ang panggagahasa sa kamay ng aking tiyo Ernesto, itinatak niya sa akin na mali ang magsumbong sa kahit na sino ‘yon siguro ang dahilan kung bakit hindi ko alam magpasa-hanggang ngayon kung ano ang tama’t mali bukod pa doo’y hindi ko na din alam kung ano ang ibig sabihin at pakiramdam ng pag-ibig. Sa paglipas ng mga tao’y nagkaroon din naman ako ng mga kasintahan, ni-isa ay wala akong matandaan sa kanila’t lahat naman sila’y naglalaho pagkatapos pasukahin ang kanilang mga laman.

Ngayo’y naniniwala pa din naman ako sa pag-ibig kahit na ‘di ko pa nararanasan iyon marahil ay ‘di talaga iyon para sa akin. Tanggap at nauunawaan ko nang hindi na ako malilinisan ng kahit na anong sabo’t ‘di ko na matatakpan ng kolorete ang mga putik sa aking katawan. Ako si Kudita, ‘wag kang magpapadala sa aking katawa’t iyong makamundong pagnanasa. Hindi mo na kailangang alamin ang aking pangalan dahil natitiyak kong ‘di mo rin naman tatandaan, ituring mo na lamang akong isang piksyon, paalam.

by Lider Ng Row IV

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started